Selasa, 17 Agustus 2010

Ang Mga Makatuwirang Katibayan Tungkol sa Kanyang Pagiging Propeta

1. Ang Propeta (SAS) ay Hindi Nag-aral. Siya ay hindi marunong bumasa at sumulat. Siya ay nabuhay sa gitna ng mga mamamayang hindi nag-aral. Samakatuwid, walang sinuman sa kanila ang magsasabi na ang may-akda ng Qur'an ay si Muhammad (SAS)! Ang Dakilang Allah ay nagsabi:

"At ikaw ay walang binasa (binigkas) na anumang aklat na una pa rito (sa Qur'an) ni ikaw ay hindi nagsulat na isa mang (aklat) sa iyong kanang kamay; magkagayon ang mga sinungaling ay magbigay alinlangan (tungkol sa iyo at sa Qur’an)." (Qur'an 29:48)

2. Ang Mga Arabo ay Hinamon na Maglahad, Kumatha o Gumawa ng Anumang Bagay na katulad ng Qur'an, at sila ay Hindi Nakagawa! Ang mga Arabo ay namangha at nagilalas sa kagandahan, balangkas o kayarian at malalim na mga kahulugan ng Qur'an. Ang Qur'an ang walang hanggang himala ni Propeta Muhammad (SAS). Sa katunayan, ang Sugo ng Allah (SAS) ay nagsabi: 'Ang mga himala ng mga Propeta (nauna kay Propeta Muhammad) ay nakahangga lamang sa kanilang sariling kapanahunan. Ang himala na ipinagkaloob sa akin ay ang Qur'an, ito ay walang hanggan; kaya, ako ay umaasa na ako ang may pinakamaraming tagasunod.' (Al-Bukhari 4598)

Bagaman ang kanyang mga mamamayan ay matalas at bantog sa kanilang kahusayan sa tula, ang Dakilang Allah ay naghamon sa kanila na gumawa o kumatha ng katulad ng nilalaman ng Qur'an, nguni't hindi nila ito nagawa.

Ang Dakilang Allah ay nagsabi:

"At kung kayo ay nag-aalinlangan sa Aming ipinahayag (ang Qur’an) sa Aming alipin (na si Muhammad) kumatha (at maglahad) kayo ng isang Surah (Kabanata) na katulad nito at tawagin ninyo ang inyong mga saksi (mga tagapagtangkilik) bukod pa sa Allah, kung kayo nga ay makatotohanan." (Qur'an 2:23)

Sa kabuuan, hinamon ng Dakilang Allah ang sangkatauhan na maglahad o kumatha ng katulad sa Qur'an. Ang Dakilang Allah ay nagsabi:

"Sabihin: "Kung ang Sangkatauhan at Jinn ay magkasama upang kumatha ng katulad ng Qur'an, hindi nila magagawang kumatha ng katulad nito, kahit sila ay magtulungan pa sa isa't isa." (Qur'an 17:88)

3. Ang Propeta (SAS) ay Nagpatuloy sa Pagpapalaganap at Pag-anyaya sa Islam (ang Pagsamba sa Tanging Tagapaglikha) Bagama't Siya ay Nakaharap sa Maraming Kahirapan at Siya ay Sinalangsang ng Kanyang Mga Mamamayan, nguni't Nang Malaunan, Siya ay Tinangkang Patayin. Subali't ang Propeta (SAS) ay nagpatuloy sa pagpapalaganap at, siya ay naging matiisin. Kung siya ay isang huwad o nagbabalat-kayong Propeta, maaari siyang huminto sa paglalaganap upang maiwasan niya ang mga panganib ng kanyang buhay.

Si W. Montgomery Watt ay nagsabi: “Siya ay nakahanda sa anumang mga pag-uusig tungkol sa kanyang pananalig o paniniwala, ang mga taong may mataas na paggalang at pinagpipitaganan na naniwala sa kanya at siya ay kinilala bilang pinuno, at ang kadakilaan ng kanyang natamong tagumpay—lahat ng mga ito ay nagbibigay ng argumento sa kanyang pangunahing katapatan. Ang pag-aakalang si Muhammad ay isang huwad (na propeta) ay nagbibigay nang higit na suliranin kaysa sa pagbibigay lunas nito. Higit pa rito, walang isa mang dakilang tao ng kasaysayan ang binigyan ng kaaba-abang pagpapahalaga ng taga kanluran maliban kay Muhammad. Hindi lamang natin dapat ipagkaloob kay Muhammad nang may katapatan at katapatan ng layunin, kung siya ay ating ganap na uunawain; kung ating itutuwid ang mga maling paratang na ating minana mula sa nagdaang panahon, hindi nating dapat kalimutan na ang matatag na katibayan ay higit na mahigpit na pangangailangan kaysa sa pagpapakita ng sapilitang pangangatuwiran, at sa ganitong paraang tulad nito ay ating matatamo ito nang may kahirapan.'

4. Bawa't Tao ay Naaakit sa Palamuti at Kagandahan ng Buhay ng Mundong ito, at Maaaring Maging Daan Upang Malihis sa Pamamagitan ng Mga Bagay na ito. Ang Dakilang Allah ay nagsabi:

"Kaakit-akit sa mga tao ang pagmamahal sa mga bagay na kanilang pinagnasaan; mga kababaihan, mga anak, mga labis na bunton ng pinag-ipunang ginto at pilak, ng mga naggagandang uri ng kabayo, at mga hayupan at linang na mga (sakahang) lupa. Ito ang kasiyahan ng kasalukuyang buhay sa mundo; nguni't sa Allah, (ay may) isang pinakamahusay na pagbabalik ang naghihintay mula sa Kanya (ang Paraiso)." (Qur'an 3:14)

Likas sa tao ang pagiging masidhi na makamtan ang mga kaakit-akit na palamuti at kagandahan ng daigdig na ito. Ang mga tao ay mayroong pagkakaiba-iba sa pamamaraang makamtan ang mga bagay na ito. Ang iba ay maaring makamtan ito sa mabuting pamamaraang umaalinsunod sa batas samantalang ang iba ay maaaring humantong sa paggamit ng mga masasama at mararahas na pamamaraan.

Ang mga pinuno ng Quraish ay nagtangkang himukin ang Propeta (SAS) na itigil ang pag-anyaya sa mga tao sa Islam. Sila ay nagsabi sa kanya na siya ay gagawin nilang pinuno ng Quraish, at ipakakasal siya sa mga naggagandahang babae, at gagawin siyang isa sa mga bantog at makapangyarihang taong kabilang sa kanila. Siya ay sumagot sa mga nakatutuksong alok, at nagsabing: 'Sumpa man sa Allah, kung ilalagay nila ang araw sa aking kanang kamay, at ang buwan sa aking kaliwang kamay upang lisanin ang bagay na ito, hindi ko ito magagawang lisanin hanggang ito ay gawing malinaw ng Allah o ako ay mapatay sa pag-anyaya sa tao para dito.' (Ibn Hisham)

Kung ang Propeta Muhammad (SAS) ay isang huwad o impostor, katiyakang tatanggapin niya ang mga alok na walang pagtanggi.

Si Thomas Carlyle, ay nagsabi: 'Sila ay tinawag na isang Propeta, sinabi mo? Bakit, sapagka't siya ay nanindigan nang matatag sa kanilang harapan, dito, hindi nababalutan ng anumang himala, malinaw na siya ay nakikitang nakasuot ng kanyang balabal, nagsusulsi ng sariling sapatos, nakikipaglaban, nagbibigay payo sa gitna nila. Maaaring nakita nila kung anong uri ng tao siya, hayaan siyang tawagin kung anong nais nila. Walang isang emperor na may korona na sinunod nang katulad ng pagsunod nila sa taong ito na nakasuot ng balabal ng sariling kapangyarihan. Sa dalawampu't tatlong taon (23) ng mahirap at aktuwal na pagsubok, aking natagpuan ang isang tunay na bayani na kailangan para gayong sarili.'

5. Ito ay Isang Katotohanang Bagay na Ang Mga Kinasasakupan at Kayamanan ng Isang Kaharian ay Nasa Kamay o Kapamahalaan ng Hari. Tungkol kay Propeta Muhammad (SAS) nababatid niya na ang buhay dito ay pansamantala lamang. Si Ibraheem b. Alqamah ay nagsabi na sinabi ni Abdullah na: 'Ang Propeta (SAS)ay nakahiga sa banig na yari sa palapa ng palmera na nagkamarka sa kanyang tagiliran, kaya, sinabi ko: 'O Sugo ng Allah! Ipapalit ko para sa iyo ang aking ina at ama! Tulutan mo kaming lagyan ng sapin ang iyong banig na maari mong higaan upang ang iyong tagiliran ay hindi magkabakas.' Ang Propeta (SAS) ay nagsabi: 'Ang aking halimbawa sa buhay na ito ay tulad ng isang naglalakbay na namahinga sa ilalim ng isang punongkahoy pagkatapos siya ay nagpatuloy sa kanyang paglalakbay.' (Ibn Majah #4109)

Si An-Nu'man b. Basheer, ay nagsabi: 'Nakita ko ang inyong Propeta (sa panahon) na wala siyang matagpuang kahit mumurahing uri ng datiles upang lamnan ang kanyang sikmura.' (Muslim #2977)

Si Abu Hurairah (RAA) ay nagsabi: 'Ang Sugo ng Allah (SAS) ay hindi kumain ng tatlong sunud-sunod na araw hanggang sa kanyang kamatayan.' (Bukhari #5059)

Bagaman ang Tangway (Peninsula) ng Arabia ay nasa ilalim ng kanyang kapamahalaan, at siya ang pinagmumulan ng kabutihan para sa kanyang mga mamamayan, kung minsan, ang Propeta (SAS) ay walang matagpuang pagkain upang mawala ang kanyang pagkagutom. Ang kanyang asawa, si A'ishah (kalugdan nawa siya ng Allah) ay nagsabi na ang Propeta (SAS) ay bumili ng ilang pagkain mula sa isang Hudyo (at napagkasunduang bayaran siya sa darating na araw) at ibinigay niya ang kanyang espada bilang sanla.' (Al-Bukhari #2088)

Hindi ito nangangahulugan na hindi siya makakukuha ng anumang kanyang nais; sapagka't ang salapi at yaman ay inilalagay sa kanyang harapan ng kanyang Masjid, at hindi siya gumagalaw mula sa kanyang kinaroroonan hanggang ito ay ipamahagi niya sa mga mahihirap at dukhang nangangailangan.

Kabilang sa kanyang mga kasamahan ay ang mga mayayaman at kilala sa kanilang lipunan, sila ay mabilis na nagsisilbi sa kanya at handang ipagkaloob sa kanya ang pinakamamahaling bagay para sa kanya. Ang dahilan kung bakit tinalikdan ng Propeta (SAS) ang mga yaman ng mundong ito ay sapagka't nababatid niya ang katotohanan ng buhay na ito. Siya ay nagsabi: 'Ang kahalintulad ng mundong ito sa Kabilang buhay, ay tulad ng isang tao na inilubog ang kanyang daliri sa karagatan, hayaan niyang matunghayan kung ano pagbabalik.' (Muslim #2858)

Si Reverend Bosworth Smith ay nagsabi: “Kung mayroon mang isang tao na may karapatang maging tagapamahala sa pamamagitan ng makadiyos na panuntunan, ito ay si Muhammad, sapagka’t nasa kanya ang lahat ng lakas (ng kapangyarihan) na hindi ginamitan ng sandata sa pagtataguyod nito. Hindi niya pinahahalagahan ang palamuti ng kapangyarihan. Ang kasimplehan ng kanyang pribadong buhay ay ang pananatili ng kanyang buhay sa publiko'” Ito ang puna ni Bosworth Smith, sa kanyang aklat na “Mohammad and Mohammadanism”, London, 1874 pahina 72.

6. May mga pangyayaring naganap sa Propeta ng Allah (SAS) na nangangailangan ng paliwanag, subali't wala siyang magawang anupamang bagay sa dahilang wala siyang natanggap na kapahayagang hinggil doon. Sa panahong ito (i.e. sa pagitan ng pangyayari at kapahayagan) siya ay hapung-hapo. Isa sa mga pangyayari ay ang naganap sa Ifk' na kung saan ang asawa ng Propetang si A'ishah (kalugdan nawa siya ng Allah) ay napagbintangan ng pagtataksil. Ang Propeta (SAS) ay hindi nakatanggap ng kapahayagan hinggil sa pangyayaring ito sa loob ng isang buwan; sa panahon na ang kanyang mga kaaway ay nagsasalita ng masama sa kanya hanggang sa pagsapit ng kapahayagan na nagpapawalang-sala kay A'ishah. Kung naging impostor lamang ang Propeta (SAS) ay dapat nabigyan niya kaagad ng kalutasan nang maganap ang pangyayaring ito. Ang Dakilang Allah ay nagsabi:

"O di kaya siya ay magsalita mula sa kanyang sariling pagnanasa." (Qur'an 53:3)

7. Ang Propeta (SAS) ay hindi humingi sa mga tao upang siya ay bigyan ng papuri. Subali't kasalungat nito, ang Propeta (SAS) ay hindi natutuwa kung ang tao ay pumupuri sa kanya sa anumang paraan. Si Anas, (RAA): 'Walang ibang tao na pinakamamahal sa kanyang mga kasamahan maliban sa Sugo ng Allah.' Kanyang sinabi: 'Kapag siya ay kanilang nakita, sila ay hindi na tatayo para sa kanya dahil nababatid nilang hindi niya ito nagugustuhan.' (Tirmidthi #2754)

Si Washington Irving ay nagsabi: 'Ang kanyang tagumpay sa larangan ng militar ay walang napukaw na anumang pagmamalaki o di kaya ng labis na pagyayabang na dapat nilang ginawa kung sila man ay nasilaw sa mga hangaring makasarili. Sa panahon ng katanyagan ng kanyang kapangyarihan ay napanatili niya ang kababaang-loob at kaanyuang tulad sa panahon ng kanyang paghihirap. Malayong masangkot sa katayuang makahari, nayayamot ang kanyang kalooban kapag siya ay pumasok sa isang pagtitipon na may nakitaan siyang mga hindi karaniwang pagpaparangal sa kanya.'

8. May mga talata sa Banal na Qur'an na ipinahayag na kung saan ang Propeta (r) ay sinisisi at pinaalalahanan nang dahil sa ibang mga pangyayaring katulad ng:

a. Ang Salita ng Dakilang Allah :

"O Propeta! Bakit mo ipinagbabawal (sa iyong sarili) ang mga bagay na sa iyo ay ipinahintulot ng Allah, na iyong hinahangad upang bigyang kasiyahan ang iyong mga asawa? At ang Allah ay Lagi nang Mapagpatawad, ang Maawain." (Qur'an 66:1)

Ang Propeta (SAS) ay umiwas na kumain ng pulut-pukyutan dahil sa mga asal ng iba niyang mga asawa. Pagkaraan, siya ay pinayuhan ng Allah (SWT) dahil ipinagkakait niya sa kanyang sarili ang bagay na pinahintulutan sa kanya.

b. Ang Dakilang Allah ay nagsabi:

"Nawa’y ikaw ay patawarin ng Allah (O Muhammad) bakit mo sila hinayaan maiwan hanggang yaong nagsabi ng katotohanan ay iyong makita sa malinaw na liwanag, at nakita mo sana ang mga sinungaling?" (Qur'an 9:43)

Pinagpayuhan ng Dakilang Allah ang Propeta (SAS) sapagka't kaagad niyang tinatanggap ang mga kasinungalingang pagdadahilan ng mga mapagkunwari nang ang mga ito ay nagpaiwan sa panahon ng Digmaan sa Tabuk. Sila ay kanyang pinatawad at tinanggap ang kanilang mga kadahilanan bagaman sila ay hindi niya inusisa.

k. Ang Dakilang Allah ay nagsabi:

"Hindi (naaangkop) para sa (dangal ng) isang Propeta na siya ay nararapat na magkaroon ng mga bilanggo ng digmaan hanggang kanyang (lubusang) magapi (ang kanyang mga kaaway) sa lupain. Inyong pinagnasaan ang mabubuting kapakinabangan ng mundong ito. Subali’t ang Allah ay nagnasa (para sa inyo) ng Kabilang Buhay. At ang Allah ay Ganap na Makapangyarihan, ang Tigib ng Karunungan." (Qur'an 8:67)

d. Ang Dakilang Allah ay nagsabi:

"Wala sa iyo (O Muhammad bagkus nasa Allah) ang karapatang magpasiya; maging Siya man ay maggawad ng Habag upang magpatawad sa kanila o magparusa sa kanila, katotohanan, sila ang Zalimun (mga taong di-makatarungan)." (Qur'an 3:128)

e. Ang Dakilang Allah ay nagsabi:

"[Ang Propeta ay] Nagkunot nu'o at tumalikod,sapagka’t lumapit sa kanya ang isang bulag (na si Abdullah Ibn ‘Ummi na sumabad sa kanya habang siya ay nangangaral sa pinuno ng mga Quraish). At paano mo nga ba malalaman kung sakaling siya man ay magpakadalisay (mula sa kanyang mga kasalanan)? O (baka sakaling) siya ay tumanggap ng katuruan at maging kapakinabangan ito sa kanya?" (Qur'an 80:1-4)

Si Abdullah b. Umm Maktoom (RAA), na isang bulag ay lumapit sa Propeta (SAS) habang siya ay nangangaral sa isa o sa mga pinuno ng Quraish, ang Propeta (SAS) ay napakunot-nuo at tinalikuran ito – at siya ay pinayuhan ng Allah (SWT) nang dahil sa pangyayaring ito. Samakatuwid, kung ang Propeta (SAS) ay isang huwad o impostor, ang mga talata na ito ay maaaring hindi matagpuan sa Qur'an.

Si Muhammad Marmaduke Pickthall ay nagsabi: 'Isang araw, ang Propeta (SAS) ay nakikipagtalakayan sa isa sa mga mataas na tauhan ng Quraish upang ito ay anyayahan tungo sa katotohanan ng Islam, ang isang bulag ay lumapit sa kanya at nagtanong hinggil sa pananampalataya. Ang Propeta ay nayamot dahil sa pagsingit nito, kaya siya ay napakunot noo at sabay na tinalikuran ang bulag na lalaki. Sa talatang ito, siya ay pinagsabihan na ang kahalagahan ng lalaking ito ay hindi mahuhusgahan ayon sa kanyang kaanyuan o mga makamundong katungkulan. '

9. Isa sa mga tiyak na palatandaan ng kanyang pagiging tunay na Propeta ay matatagpuan sa Kabanata ng Lahab (Bilang 111) sa Qur'an. Sa kabanatang ito ay napapaloob ang pagkondena ng Allah (SWT) kay Abu Lahab (ang tiyuhin ng Propeta) tungo sa kaparusahan ng Impiyerno. Ang kabanatang ito ay ipinahayag noong bago pa lamang ang kanyang pagpapalaganap (Da'wah) sa Islam. Kung ang Propeta (SAS) ay isang huwad o impostor maaaring hindi niya ipalalabas ang ganitong pasiya sapagka't ang kanyang tiyuhin ay maaaring yumakap sa Islam sa mga darating na panahon!

Sinabi ni Dr. Gary Miller: 'Halimbawa, ang Propeta (SAS) ay may tiyuhin na ang pangalan ay si Abu Lahab. Ang taong ito ay matindi ang pagkamuhi sa Islam kung kaya, kahit saan magtungo ang Propeta ay sinusundan at hinihiya niya ito. Kung makita niya ang Propeta (SAS) na nakikipagkuwentuhan sa mga taong estranghero, ay hinihintay niyang matapos ito subali't kapag sila ay naghiwalay na, ay pinupuntahan ni Abu Lahab ang estranghero at inuusisa kung ano ang kanilang pinag-usapan, 'ano ang sinabi niya sa iyo? Sinabi ba niyang itim? Hindi, dahil ito ay puti. Sinabi ba niyang ‘umaga’? 'Hindi, dahil ito ay gabi’. Sinasabi niya nang buong katapatan ang mga bagay na sumasalungat sa anumang kanyang narinig na sinabi ng Propeta Muhammad (SAS). Subali't, halos sampung taon bago pa mamatay si Abu Lahab, may maikling kabanata sa Qur’an na ipinahayag sa Propeta na maliwanag na nagsasabing si Abu Lahab ay itatapon sa Apoy (Impiyerno). Samakatuwid, ito ay nagbibigay patunay na si Abu Lahab ay kailanman ay hindi magiging Muslim. Sa loob ng sampung taon, ay walang ginawa si AbuLahab maliban sa paulit-ulit niyang sinasabi, ‘Narinig ko na ipinahayag kay Muhammad na kailanman ay hindi ako magbabago – na kailanman ako ay hindi magiging Muslim at ako ay papasok sa Impiyerno. Kung gayon, gusto kong maging Muslim ngayon. Magugustuhan mo ba ito? Ano sa palagay mo ngayon ang masasabi mo sa iyong banal na kapahayagan? Nguni't, kailanman ay hindi niya nagawang maging Muslim. Sa kabila ng katotohanan, iyon ang eksaktong pag-aasal na inaasahan ng sinuman mula sa kanya sapagka't siya ay lagi nang sumasalangsang sa kapahayagan ng Islam. Sa madaling salita, si Muhammad (SAS) ay nagsabi: 'Kinamumuhian mo ako at nais mong ako ay iyong patayin? Narito, sabihin mo ang mga salita, at ako ay mamamatay. Halika, sabihin mo ang mga ito!' Nguni't kailanman ay hindi nagawang sabihin ito ni Abu Lahab. Sampung taon! At sa lahat ng panahon ng kanyang buhay, hindi niya niyakap ang Islam at kailanman ay walang siyang malasakit sa pagpapalaganap ng Islam. Paano makatitiyak si Muhammad na tutuparin ni Abu Lahab ang kapahayagan ng Qur'an tungkol sa kanya kung siya (Muhammad) ay hindi tunay na Sugo ng Allah? Paano siya magkakaroon ng gayong tiwala na umabot ng sampung taon upang ipawalang katotohanan ang kanyang pagiging Propeta? Ang tanging kasagutan ay siya ay tunay na Sugo ng Allah sapagka't sa paglahad ng gayong mapanganib na hamon, ang isa ay nararapat na magkaroong ng ganap na pananalig na siya nga ay mayroong tangang banal na kapahayagan.'

10. Ang Propeta (SAS) ay tinawag na 'Ahmed' sa isang talata ng Qur'an sa halip na 'Muhammad'. Ang Dakilang Allah ay nagsabi:

"At (alalahanin) nang si Issa (Hesus), anak ni Maryam (Maria), ay nagsabi: O, Angkan ni Israel! Ako ay Sugo ng Allah sa inyo, na nagpapatunay sa Tawrat [Torah na dumating] na una sa akin, at nagbibigay ng magandang balita tungkol sa isang Sugo na darating pagkaraan ko, na ang pangalan ay Ahmad. Nguni't nang siya (Ahmad i.e Muhammad) ay dumating sa kanila na may dalang malinaw na katibayan, sila ay nagsabi: “Ito ay isang malinaw na salamangka.'" (Qur'an 61:6)

Kung siya nga ay isang huwad na Propeta, ang pangalan 'Ahmed' ay hindi babanggitin sa Banal na Qur'an.

11. Ang Deen relihiyong Islam ay naririto pa rin hanggang sa kasalukuyan at ito ay lumalaganap sa buong mundo. Libu-libong tao ang yumayakap sa Islam at higit na kinasisiyahan kaysa sa ibang relihiyon. Ito ay nangyayari sa kabila na ang mga tagapaglaganap ng Islam ay kapos sa mga pananalapi tulad ng inaasahan at sa kabila ng pagtatangka ng mga kaaway ng Islam na hadlangan ang paglaganap nito. Ang Dakilang Allah ay nagsabi:

"Katotohanan, Kami, (at) tanging Kami (lamang) ang nagpahayag ng Dkhir (ang Qur'an) at katiyakan, na ito ay Aming pangangalagaan (sa anumang katiwalian)." (Qur'an 15:9)

Si Thomas Carlyle ay nagsabi: 'Isang huwad na tao ay nakapagtatag ng isang relihiyon? Kung gayon, bakit, ang isang huwad na tao ay hindi makapagpatayo ng isang bahay na yari sa tipak ng bato! Kung hindi niya nalalaman at sinusunod ang tunay na sangkap ng mortar, sinunog ang luwad at kung ano pang gawain, hindi bahay ang kanyang magagawa kundi mga inimbak na basura. Ito (ang Islam) ay hindi magtatagal ng labindalawang siglo, upang pigilin ang isang daan at walumpung milyong, at tiyak na ito ay guguho nang tuwiran. Maraming kilala at bantog na pinuno sa mundong ito subali't ang kanilang huwad na kapangyarihan ay naglaho sa kanilang harapan sa isang araw lamang. Ito ay katulad ng hinuwad na papel ng bangko; ito ay dumadaan sa kanilang walang kabuluhang mga kamay. Ang mga Digmaan ng Pransiya at mga tulad nito ay nagpahayag ng katapatan o katotohanan na ang hinuwad na papel ay huwad. Nguni't ang isang Dakilang Tao lalo na siya (si Muhammad) ako ay magsisikhay upang ipaglaban na katotohanan na siya ay higit pa sa isang tunay (na tao). Para sa akin ang pangunahing haligi niya at ng lahat ng nakasalalay sa kanya, ay ito (ang katotohanan ng kanyang mensahe, ang Qur'an).'

Pinangalagaan ng Propeta (SAS) ang Banal na Qur'an, pagkaraang pangalagaan ito ng Allah (SWT) sa puso ng mga tao, henerasyon pagkaraan ng bawa't henerasyon. Katunayan, ang pagsasaulo, at ang pagbigkas nito, ang pag-aaral at pagtuturo nito ay kabilang sa mga bagay na ginagawa ng isang Muslim sapagka't ang Propeta (SAS) ay nagsabi: 'Ang pinakamabuti sa inyo ay yaong natutunan ang Qur'an at ito ay itinuturo (sa iba).' (Bukhari #4639)

Marami ang nagtangkang dagdagan at bawasan ang mga talata mula sa Banal na Qur'an, subali't sila ay hindi nagtagumpay kailanman sapagka't ang mga kamalian ay kagyat na natatagpuan. At tungkol sa Sunnah ng Sugo ng Allah (SAS) na siyang pangalawang pinagmumulan ng Batas ng Islam (Shari'ah), ito ay pinangalagaan din ng mga mapagkakatiwalaan at mabubuting Muslim. Kanilang ginugugol ang kanilang buhay upang tipunin ang mga Sunnah, at kanilang sinusuri kung alin ang mapananaligan at hindi mapananaligan. At kanilang ipinaliwanag din ang alinmang salaysay na walang batayan. Sinuman ang bumasa sa mga aklat na sinulat tungkol sa mga Hadeeth ay mapag-aalaman ito kung ang mga salaysay ay tunay ngang mapananaligan.

Si Michael Hart ay nagsabi: 'Naitatag at naipalaganap ni Muhammad(SAS) ang isa sa dakilang relihiyon ng mundo, at siya ay naging isang kagila-gilas ng pinunong pampolitiko. Sa panahon ngayon, labingtatlong siglo pagkaraan ng kanyang kamatayan, ang kanyang impluwensiya ay makapangyarihan pa rin at nananatili.’

12. Ang Mapananaligan at Makatotohanan ng Kanyang Prinsipiyo at Ang Mga ito ay Mainam at Angkop sa Bawa't Panahon at Pook. Ang bunga ng pagsasakatuparan ng Islam ay malinaw at natatangi, na siyang sumasaksi na ito ay tunay na kapahayagan mula sa Nag-iisang Diyos, ang Allah (SWT). Karagdagan pa nito, bakit hindi posible para kay Propeta Muhammad (r) na maging isang Propeta – maraming Propeta at Sugo ang ipinadala na nauna sa kanya. Kung ang kasagutan sa katanungang ito ay walang bagay ang makapipigil dito, samakatuwid, bakit ninyo itinatanggi ang pagiging Propeta (SAS) niya at kinikilala naman ninyo ang pagiging Propeta ng iba?'

13. Ang isang tao ay hindi maaaring maglahad ng batas na katulad ng batas ng Islam na sumasaklaw sa bawa't aspeto ng buhay tulad ng pakikipagkalakalan, pag-aasawa, panlipunang pag-uugali, politika, mga gawaing pagsamba at maraming pang iba. Kaya, paanong ang isang di-nag-aral ay makapagdala ng gayong batas. Hindi ba ito ay malinaw na katibayan at tanda ng kanyang pagiging tunay na Propeta?

14. Ang Propeta (SAS) ay hindi nagsimulang manawagan sa tao na yakapin ang Islam hanggang sa gulang niyang apatnapu. Ang kanyang kabataan ay lumipas at sa gulang na dapat ay namamahinga na siya at gugulin ang nalalabing panahon sa kasayahan, nguni't ito ang gulang na siya ay itinakda bilang Propeta (SAS) at siya ay pinag-utusang magpalaganap ng Islam.

Si Thomas Carlyle ay nagsabi: 'Ito ay sadyang sumasalungat laban sa paniniwalang siya ay Huwad na Propeta, sapagka't, katotohanan na siya ay nabuhay na hindi kakaiba, ganap na mapayapa at karaniwang pook hanggang dumating sa kanyang panahon (ang init) ng pagiging Propeta. Siya ay apatnapung taon bago siya nagsalita ng anumang adhikain mula sa langit. Ang lahat ng kanyang "sinasabi nilang ambisyon niya" ay tila upang mabuhay ng mabuti; ang kanyang "katanyagan" ay mga haka-haka lamang ng kanyang mga kapitbahay na nakakikilala sa kanya ay sapat na rito hanggang siya ay tumanda na, na ang kadalisayan ng init ng kanyang buhay ay lumabas at ang kapayapaan ay tanging bagay lamang na kanyang maibibigay sa buong mundo. Sa aking sarili, wala akong maibabahaging paniniwala tungkol sa haka-hakang (ipinararatang na) ito.'

Ano Ang Kabuuang Kahulugan ng "Muhammadar Rasulullah": (Si Muhammad ay Sugo ng Allah, (SAS)

1. Ang maniwala sa Mensahe ng Propeta (SAS) na siya ay isinugo sa sangkatauhan; kaya, ang mensahe ng Islam ay hindi nakalaan sa isang pangkat ng mamamayan lamang at hindi ito angkop lamang sa isang takdang panahon. Higit sa lahat, ang Islam ay para sa lahat ng tao, sa lahat ng panahon at sa lahat ng kalagayan hanggang sa pagsapit ng Huling Araw. Ang Dakilang Allah ay nagsabi:

"Ang Mapagpala ang Siyang nagbaba ng pamantayan sa Kanyang alipin (si Muhammad) upang siya ay magbigay ng babala sa sangkatauhan." (Qur'an 25:1)

2. Ang maniwala na ang Propeta (SAS) ay walang pagkakamali sa larangan ng relihiyong Islam (Deen). Ang Dakilang Allah ay nagsabi: "Hindi siya nagsasalita nang ayon sa kanyang pagnanasa. Ito ay isa lamang inspirasyong ipinahayag (sa kanya)." (Qur'an 53:3-4)

Tungkol sa mga gawaing nauukol sa mundong ito, ang Propeta (SAS) ay tao lamang at maaaring magbigay ng Ijtihaad (i.e. pagbigay ng sariling pasiya) sa gayong bagay o pangyayari. Ang Propeta (SAS) ay nagsabi: "Inyong isinalaysay ang inyong mga kaso sa akin –ang iba sa inyo ay higit na mahusay na magpaliwanag (o magsalaysay) at kapani-paniwala sa pagsasalaysay ng pangyayari kaysa sa iba. Kaya, kung ako ay nagbigay ng karapatan (nang may kamalian) para sa iba sanhi ng salaysay ng kaso ng nauna; ako ay nagbigay sa kanya ng kapirasong apoy; kaya, ito ay hindi niya dapat kunin. " (Pinagtibay at Pinagkasunduan)

Sinabi niya (SAS) sa ibang salaysay na: "Ako ay tao lamang; ang magkakaaway ay lumalapit sa akin upang lunasan ang kanilang mga hidwaan. Maaaring ang iba sa inyo ay magsalaysay nang higit na mahusay kaysa sa iba, at maaari kong isaaalang-alang siya bilang matuwid na tao at magbigay ng hatol sa kanyang panig. Kaya, kung ako ay nagbigay ng karapatan ng iba sa paraang mali, samakatuwid, ito ay isang bahagi lamang ng apoy ng Impiyerno. Kaya, mayroon siyang pagpipilian, ang tanggapin niya o talikdan ito bago dumating ang Araw ng Pagkabuhay Muli. " (Pinagtibay at Pinagkasunduan )

3. Ang maniwala na ang Propeta (SAS) ay isinugo bilang Habag sa Sangkatauhan. Ang Dakilang Allah ay nagsabi:

"At ikaw (O Muhammad) ay Aming isinugo bilang Habag para sa sangkatauhan." (Qur'an 21:107)

Ang Dakilang Allah ay tiyak na nagsabi ng katotohanan. Sinabi Niya; ’At sino ba ang higit na makatotohanan sa pananalita kaysa sa Allah (I)?’ Ang Propeta (sas) ay isang Habag sa Sangkatauhan. Inilayo niya ang tao mula sa pagsamba sa mga bagay na nilikha lamang, at kanyang pinatnubayan sila tungo sa pagsamba sa Tagapalikha ng lahat. Inilayo niya ang tao mula sa kawalang katarungan ng mga huwad na relihiyon tungo sa makatuwiran at makatarungang relihiyon ng Islam. Inilayo niya ang tao mula sa makamundong buhay tungo sa mga gawaing maghahatid sa kanya sa Kabilang Buhay.

4. Ang matatag na maniwala na ang Sugo ng Allah (SAS) ang pinakadakilang Propeta at Sugo, at ang Huling Propeta at Sugo (SAS). Walang Propeta o Sugo ang darating pa pagkaraan niya. Ang Dakilang Allah ay nagsabi:

"Si Muhammad ay hindi ama ng sinuman sa inyong mga kalalakihan, nguni't Siya ang Sugo ng Allah at huli sa (kawing ng) mga Propeta. At ang Allah ang lagi nang Lubos na Maalam sa bawa't bagay." (Qur'an 33:40)

Ang Propeta (SAS) ay nagsabi: "Ako ay ginawaran ng pagpapala nang higit sa lahat ng Propeta ng anim na bagay: Ako ay binigyan ng kakayahan ng Jawami al-Kalim, (ang kakayahang magsalita ng maikli nguni't makahulugan at mahalaga) ang maghasik ng takot sa puso ng mga kaaway, ang labi ng digmaan ay pinahihintulot sa akin na kuhanin, at ang buong kalupaan ay itinuturing bilang pook ng pagdarasal, at paraan ng paglilinis, at ako ay isinugo sa buong sangkatauhan, at ako ang Huling Propeta." (Muslim & Tirmidthi)

5. Ang matatag na maniwala na ang Propeta (SAS) ay ganap na naihatid o naipalaganap sa atin ang Deen ng Islam, sa kabuuang aspeto nito. Hindi maaaring magdagdag o magbawas mula sa relihiyong Islam (Deen). Ang Dakilang Allah ay nagsabi:

"Sa araw na ito, Aking ginawang ganap ang inyong relihiyon para sa inyo, Aking nilubos ang pagpapala sa inyo at pinili para sa inyo ang Islam bilang inyong relihiyon." (Qur'an 5:3)

Ang Islam ay isang kabuuang pamamaraan ng buhay; saklaw nito ang aspetong panlipunan, pampolitikal, pangkabuhayan at kagandahang-asal. Ito ay nag-aakay sa isang tao upang mabuhay nang matiwasay sa mundong ito at maging sa Kabilang Buhay.

Si Thomas Carlyle ay nagsabi (tungkol sa mga Muslim at Qur'an): 'Ang mga Mahometans ay nagsasaalang-alang sa kanilang Koran nang may kabanalan samantalang kakaunti sa mga kristiyano ang nagsasalang-alang sa kanilang Bibliya. Ito ay tinatanggap sa lahat ng dako bilang pamantayan ng lahat ng batas at lahat ng pagsasanay; ang bagay na haka-haka ay lumipas na; ang mensahe ay ipinadala nang tuwiran mula sa langit, na siyang dapat na pinagtibay ng daigdig at siyang dapat tahakin; ito ang isang bagay na dapat basahin. Ang kanilang mga hukom ay nagpapasiya sa pamamagitan nito, ginawang isang tungkulin ng lahat ng Moslem na pag-aralan ito, ginagawang batayan para sa liwanag ng kanilang buhay. Sila ay mayroong mga Masjid na kung saan ito ay kanilang binabasa araw-araw; sa loob ng labindalawang daan taon, ito ay nagkaroon ng tinig, sa lahat ng sandali, nananatiling may tinig sa mga tainga at puso ng maraming tao. Aming narinig mula sa mga Mahometan Doktors na kanilang nabasa ito ng pitumpung libong ulit!'

6. Ang buong katatagang maniwala na ang Sugo ng Allah (SAS) ay ganap na naihatid ang mensahe ng Allah at siya ay nagbigay ng tapat na payo sa kanyang pamayanan (Ummah). Walang kabutihan maliban na pinatnubayan niya ang kanyang pamayanan sa bagay na ito, at walang gawaing makasalanan maliban na binigyang babala niya ang tao mula rito. Ang Propeta (SAS) ay nagsalita sa kanyang Huling Khutbah (sermon) sa panahon ng Hajj: "Hindi ko ba naihatid (naipalaganap) ang Mensahe ng Allah sa inyo?' Sila ay sumagot, 'Oo (ito ay iyong nagawang maipalaganap).' Siya ay nagsabi: 'O Allah! Ikaw ay Saksi!" (Agreed Upon)

7. Ang maniwala na ang Shari'ah (Batas ng Islam) ni Muhammad (r) ay ang tangi at isang kinikilala at tinatanggap na Batas (o Shari'ah). Ang sangkatauhan ay hahatulan batay sa Batas na ito (ang Shari'ah ng Islam). Ang Dakilang Allah ay nagsabi: "At sinumang humanap ng iba pang relihiyon bukod sa Islam, ito ay hindi tatanggapin sa kanya kailanman, at sa Kabilang buhay siya ay kabilang sa mga nawalan (o talunan). " (Qur'an 3:85)

8. Ang maging masunurin sa Propeta (SAS). Ang Dakilang Allah ay nagsabi: "At sinumang sumunod sa Allah at sa Sugo (Muhammad), samakatuwid, makakasama nila ang mga pinagkalooban ng Allah ng Kanyang Pagpapala, ang Nabiyyeen (mga Propeta), ang Siddiqeen (mga matatapat at pangunahing mga tagasunod ng mga Propeta), ang Shuhada (mga martir), at ang Saliheen (mga matutuwid). At sadyang napakahusay ng mga kasamahang ito!” (Qur'an 4:69)

Ang pagsunod sa Propeta (SAS) ay pagsunod sa anumang kanyang ipinag-uutos at pagtalikod sa anumang kanyang ipinagbabawal. Ang Dakilang Allah ay nagsabi: "…At anumang ipagkaloob ng Sugo sa inyo, tanggapin ito; at anuman ang kanyang ipagbawal sa inyo, umiwas mula rito." (Qur'an 59:7)

Ang Dakilang Allah ay nagsabi at binigyang linaw ang kaparusahan ng sinumang hindi umiiwas mula sa anumang ipinagbabawal ng Propeta (SAS). Siya ay nagsabi:

"At sinuman ang sumuway sa Allah at sa Kanyang Sugo (Muhammad), at lumabag sa Kanyang (itinakdang) hangganan, siya ay itatapon Niya sa apoy, upang mamalagi (siya) roon, at siya ay magkakaroon ng kasakit-sakit na parusa." (Qur'an 4:14)

9. Dapat na tanggapin ng buong puso at kasiyahan ang hatol ng Sugo ng Allah (SAS) at huwag mag-alinlangan o sumalangsang kung ano ang minarapat at pinahintulutan ng Propeta (SAS). Ang Dakilang Allah ay nagsabi:

"Nguni’t hindi, sumpa man sa iyong Rabb, sila ay hindi magkakaroon ng pananampalataya hangga’t hindi ka nila ginagawang tagapaghatol sa lahat ng kanilang hidwaan, at matatagpuan ang mga sariling walang pagtutol sa iyong mga kapasiyahan, at tinatanggap (ang mga ito) nang may lubos na pagpapakumbaba." (Qur'an 4:65)

Karagdagan pa rito, ang isang Muslim ay nararapat bigyan ng higit na pagpapahalaga ang Shari'ah kaysa sa anupamang bagay sapagka't ang Dakilang Allah ay nagsabi:

"Sila ba, kung gayon, ay humahanap ng Hatol (batay) sa (panahon ng Jahiliyah [Kamangmangan])? At sino ba ang nakahihigit pa sa Allah sa paghatol sa mga taong may matatag na pananampalataya?" (Qur'an 5:50)

10. Ang manatili (matatag na sumusunod) sa Sunnah ng Propeta (SAS). Ang Dakilang Allah ay nagsabi:

"Sabihin, 'kung tunay nga na inyong minamahal ang Allah, samakatuwid, ako ay inyong sundin, kayo ay mamahalin ng Allah at kayo ay patatawarin sa inyong mga kasalanan. At ang Allah ay laging Mapagpatawad, ang Maawain'." (Qur'an 3:31)

Ang isang Muslim ay nararapat pamarisan ang Propeta (SAS) at gawin siya bilang dakilang halimbawa. Ang Dakilang Allah ay nagsabi:

"Katotohanang nasa (katauhan ng) Sugo ng Allah, ang isang magandang huwaran na dapat tularan para sa kanya na umaasa (sa pakikipagharap) sa Allah at sa Huling Araw, at lagi nang nag-alaala sa Allah tuwina." (Qur'an 33:21)

Upang sumunod sa Propeta (SAS) nararapat na matutuhan at mapag-aralan ang talambuhay niya (ng Propeta Muhammad, (SAS)). Si Zain al-Aabideen ay nagsabi: 'Kami ay tinuruan tungkol sa mga pagkikipaglaban ng Sugo ng Allah (SAS) tulad ng pagtuturo sa isang (talata) Ayah ng Qur'an.'

11. Ang bigyan ang Propeta (SAS) ng mataas na paggalang at pagpapahalaga nang ayon sa kanyang katayuan bilang Dakilang Sugo at Propeta ng Allah(SAS). Ang Propeta (SAS) ay nagsabi: 'Huwag ninyo akong labis na purihin sapagka't ako ay isa lamang alipin ng Allah bago niya ako itinakda bilang Sugo.' (At-Tabarani)

12. Ang magsumamo sa Allah na itampok ang pagbanggit sa Propeta (SAS). Ang Dakilang Allah ay nagsabi:

"Katotohanan, ang Allah ay nagpadala ng Kanyang Salat (Biyaya, Karangalan, Pagpapala, Habag) sa Propeta (Muhammad) at maging ang Kanyang mga anghel (ay nagsusumamo ng pagpapala at kapatawaran sa kanya). O kayong mananampalataya (mga Muslim)! Ipadala ang inyong Salat sa kanya (kay Propeta Muhammad) at ipagsumamo sa Allah na panatilihing ligtas ang Propeta sa anumang masamang bagay)." (Qur'an 33:56)

Ang Sugo ng Allah (SAS) ay nagsabi: 'Ang kaaba-aba ay ang isang tao na kapag narinig niya ang pagbanggit sa aking pangalan ay hindi nagsusumamo sa Allah upang itampok ang pagbanggit sa akin.' (Tirmidthi)

13. Ang mahalin at igalang ang Propeta (SAS) sa paraang nararapat at naaangkop sa kanya; sapagka't ang sangkatauhan ay napatnubayan sa pamamagitan niya. Siya ay nararapat mahalin at ituring siyang higit na dapat mahalin kaysa sa sarili' sapagka't ang isang yumakap sa Islam ay magiging masagana sa buhay na ito at sa kabilang buhay. Ang Dakilang Allah ay nagsabi:

"Sabihin: 'Kung ang inyong mga ama, inyong mga anak na lalaki, inyong mga kapatid na lalaki, ang inyong mga asawa, ang inyong mga kamag-anakan, ang inyong kayamanang pinagkitaan, ang inyong kalakal na pinangangambahang malugi, ang inyong mga tahanang ikinasisiya ay higit na mahalaga sa inyo kaysa sa Allah at sa Kanyang Sugo, at sa pakikipaglaban sa Landas ng Allah, magkagayon, kayo ay magsipaghintay hanggang dalhin ng Allah ang kanyang Pasiya (parusa). At hindi pinapatnubayan ng Allah ang mga taong Fasiq (mapanghimagsik, palasuway sa Allah." (Qur'an 9:24)

Ipinaliwanag ng Propeta (SAS) ang bunga na pagmamahal sa kanya; sa kanyang naging kasagutan sa taong nagtanong sa kanya: 'Kailan ba ang Araw ng Pagkabuhay-Muli?' Ang Propeta (SAS) ay nagsabi: 'Ano ang ipinaglaan mo para rito?' Ang lalaki ay hindi sumagot agad, at pagkaraan ay nagsabi: 'O Sugo ng Allah, hindi ako nagsagawa ng mga (kusang-loob na) pagdarasal, pag-aayuno, o kawanggawa nguni't mahal ko ang Allah at ang Kanyang Sugo.' Ang Propeta ay nagsabi: 'Ikaw ay tatawagan sa Araw ng Pagkabuhay-Muli kasama ng iyong mga minamahal!' (Al-Bukhari & Muslim)

Ang Propeta (SAS) ay nagsabi: 'Kung ang isang tao ay pinanghawakan ang tatlong bagay, kanyang malalasap ang tamis at ganda ng Iman (pananampalataya); (ang una) na ang Allah at Kanyang Sugo ay higit niyang minamahal kaysa sa anumang bagay, (ang ikalawa) ang mahalin ang isang tao nang dahil sa Allah, at (ang ikatlo) ang kamuhian ang pagbabalik niya sa Kufr (kawalan ng pananampalataya sa Allah) pagkaraan ang tao ay ilayo ng Allah mula rito tulad ng pagkamuhi niya na itapon siya sa apoy (ng Impiyerno).' (Muslim)

Ang paggalang at pagmamahal sa Propeta (SAS) ay nangangahulugan din na ang isang Muslim ay nararapat na igalang at mahalin ang sinumang minamahal ng Propeta (SAS) tulad ng kanyang pamilya, kanyang mga kasamahan. Nararapat ding kamuhian ng isang Muslim ang kinamumuhian ng Allah (SWT) at ng Kanyang Propeta (SAS) sapagka't ang Propeta (SAS)ay nagmahal at namuhi lamang nang dahil sa Allah (SWT).

14. Ipalaganap at anyayahan ang mga tao sa Islam; at ipaliwanag ang Deen (relihiyon) ng Allah sa pamamagitan ng paggamit ng tamang kaalaman at mabuting pamamaraan. Ito ay ginagawa sa pamamagitan ng pagtuturo sa walang nalalaman at magpaalala sa isang nakalilimot o di nakaaalam. Ang Dakilang Allah ay nagsabi:

"Anyayahan (ang sangkatauhan, O Muhammad) sa Landas ng iyong Rabb (Panginoon) nang may karunungan (sa pamamagitan ng Qur'an) at kaaya-ayang pakikipagtalakayan, at makipagtalo sa kanila sa paraang makabubuti. Katotohanan, ang iyong Rabb (Panginoon) ay higit na nakababatid kung sino ang napaligaw mula sa Kanyang Landas, at (Lubos) Niyang natatalos yaong mga napatnubayan." (Qur'an 16:125)

Ang Propeta (SAS) ay nagsabi: "Ipalaganap sa iba (ang Deen, relihiyong Islam), kahit sa pamamagitan ng isang ayah (talata) lamang." (Iniulat ni Tirmidhi)

15. Ang ipagtanggol ang Propeta (SAS) at ang kanyang Sunnah, sa pamamagitan ng pagtakwil sa mga di-napananaligang Hadeeth (salaysay) na iniaakibat sa kanya at liwanagin ang lahat ng mga di-mapananaligang paksa na sinasabi ng mga kaaway ng Islam, at ipalaganap ang tunay at malinis na mensahe ng Islam sa mga di-nakaaalam sa kanila.

16. Ang manatiling sumusunod sa Sunnah ng Propeta (SAS). Siya ay nagsabi: "Dapat na manatili sa aking Sunnah at sa Sunnah ng mga napatnubayang mga Khalifa (pinuno). Humawak nang mahigpit at kumapit sa pamamagitan ng inyong mga bagang (ngiping pang-nguya). At mag-ingat sa mga gawaing Bid'aah (mga gawaing salungat sa aral ng Islam). Sapagka't, katotohanan na ang mga gawaing pagbabago ay Bid'aah (mga gawaing salungat sa aral ng Islam), at bawa't Bid'aah ay (nag-aakay sa) pagkakaligaw (sa patnubay)." (Iniulat ni ibn Hibban at Abu Dawood).

Tidak ada komentar:

Posting Komentar

sabily